IRIS — Prologue

iris_2

Prologue:  Ang Pagtawid ni Gamaliel sa Lupa

 

Nahawi ang makapal at mala-abong ulap, at ang mga tala at buwan na tumatanglaw sa gabi ay muling pinalitan ni Bathala ng liwanag, ng araw na magpapalaganap ng init sa lahat ng may buhay— isang panibagong umaga para sa mga nasa Lupa.

 

Siya, bilang Punong Mang-aawit at tagalikha ng Musika, kasama ang iba pang pinuno ng mga Gabay, ng mga Sundo, ng mga Mandirigma at ng mga Tagapangalaga ay muling pinag-isa ang kanilang mga lipon para muling mag-alay ng pagsamba sa Lumikha sa harap ng Banal na Lungsod.

 

Napuno ng iba’t-ibang pangkat ng mga anghel ang gintong lansangan.  Doon, sa Kaitaasang Dako, magmumula ang panibagong pag-aatas ng gawain para sa bawat isa sa kanilang mga hinirang.  Habang ang iba ay may mga dapat isakatuparan sa Lupa tulad ng mga Sundo at Gabay, siya at ang kanyang mga kasamahan ay hindi pinahihintulutang ‘tumawid’ man lamang doon.  Sinumang sumuway ay iisa ang kahihinatnan— ang pagkatanikala at pagkatapon sa walang hanggang karimlan.

 

Pagkatapos ng Pagtitipon ay muling nagtungo ang mga Sundo at mga Tagapangalaga sa Bundok Haspe at Esmeralda upang doon magpulong. Ang mga Mandirigma naman ay sa Bundok Onise nag-eensayo.  Ang mga Manunugtog ay sa Bundok Amatista naglalagi, maliban sa kanya.  Lumipad siyang muli patungo sa pinakamataas at pinakamalayong bundok mula sa Lungsod, sa Bundok Sapiro kung saan siya madalas lumikha ng mga awitin.  Mula roon ay matatanaw ang gintong talon at ang ilog sa paanan niyon kung saan makikita ang mga kaganapan sa Lupa.  Naroon rin ang isa sa mga lagusan patungo roon.

           

Siya lang yata ang Manunugtog at nag-iisang pinuno na napapadpad sa bundok na iyon at ilan rin lamang ang Sundo o Gabay na dumadaan sa Lagusan.  At kahit lagi nang napupuna ng mga kasamahan niya ang kagustuhan niyang mapag-isa ay nananatili siya roon dahil sa isa pang kadahilanan.

           

“Pinagmamasdan mo na naman ba siya, Gamaliel?”

 

Lumingon siya at natagpuan si Aleph na nakatayo sa likuran niya, ang pumapangalawa sa kanya sa pagkapinuno.  Nakangiti ito ngunit sa mga mata ay naroon ang babala.

 

“Narito ka rin pala, Aleph…”

 

“Hinihintay ka na ng mga kasama natin.  Nalalaman na nila kung bakit ibig mong laging nasa lugar na ito,”

           

Hindi siya sumagot at muling tumunghay sa ilog.  Hindi naman na niya ipinagtataka iyon.  Wala namang nalilingid sa bawat isa sa kanila.

 

“Batid mo ang naganap sa pagitan ni Azrael at ng kaibigan mong Gabay,” pagtukoy nito sa pinuno ng mga Sundo at ang Gabay na naging daan ng pagkakilala niya sa isang Mortal.  “Wala siyang nilabag na patakaran dahil napahinuhod siya ni Azrael… ngunit dahil sa pagtingin niya sa Mortal ay muntik na siyang mapahamak.  Isang malaking kahangalan ang tangka niyang pananatili sa Lupa,”

 

“Wala kang dapat ikabahala.  Sapat na sa akin ang makita siya mula rito, Aleph,” mahinang sagot niya ngunit naroon ang pagtatanong sa sarili.  Sapat na nga ba sa kanya ang mapagmasdan lang ang Mortal? 

 

“Pagtitiwalaan ko ang sinabi mong iyan.  Tandaan mong bukod sa hindi pagkakasundo sa pagitan ng ating mga lipon ay ang ating pagsuway ang ayaw na ayaw ni Bathala.”

 

Napabuntung-hininga siya sa paalala nito.  Ibinaba niya ang harpang hawak at saka naupo.  Muli’y sumagi sa isip niya ang araw na nakasabay niya roon si Jahdai, ang Gabay ng ina ng dalagang itinatangi niya.

 

“Wala akong nagawa nang mismong si Azrael ang sumundo sa kabiyak ni Sophia,” natatandaan niyang sabi nito matapos ikuwento ang pakikipagtalo nito sa pinuno ng mga Sundo.  “Ngayon higit kailanman, kailangan ng aking ginagabayan ng katuwang dahil dalawa na ang anak nila…”

 

Hindi siya sumagot at pinagmasdan ang bunsong anak ng babaeng si Sophia na noo’y kapapanganak pa lamang.  Napakaganda ng bata.  Napakaamo ng mukha at maihahalintulad niya ito sa kasama nilang mga kerubin.  Sa kung anumang kadahilanan mula noon, tuwing pupunta siya sa bundok; sa loob ng halos dalawampu’t limang taon sa Lupa ay walang sumasapit na liwanag na hindi niya ito pinagmamasdan, at tuwing may pagkakataon siya’y lagi niya itong sinusubaybayan.

 

Napangiti siya sa alaala at nagpatuloy sa tahimik na panonood sa bawat kilos ng dalaga na noo’y papunta sa tahanan ng lalaking iniibig nito.

           

“Kung ako sa iyo’y titigilan ko na ito, Gamaliel.  O tulad din ba ng Gabay ay patuloy mo pa ring iibigin ang Mortal, kahit batid mong walang patutunguhan ito?”  

           

Ngunit hindi na niya nasagot ang tanong nito.  Nakita niyang kung gaano ito kabilis pumasok ay ganoon din kabilis lumabas ang dalaga mula sa bahay ng kasintahan nito.

           

“Umiiyak siya,” bulalas niya sabay tayo.  “Nasaktan siya ng labis sa nakita niya…”

           

Napailing si Aleph at hinawakan ang balikat niya.  “Likas sa Tao ang masaktan at ang madalas ring pananakit sa kapwa nila.  Halika na, ipaubaya na natin sa mga Gabay ang mga bagay na nakikita mo…”

           

“Aleph,” aniya rito.  “Mapapahamak siya.  Kung itutuloy niya ang pag-alis sa ganoong kalagayan niya ay baka—,”

           

“Kung ganoon, maaaring naitakda na ang pagsundo sa kanya.  At hindi na natin saklaw ang—,” napahinto ito nang tumakbo siya sa tuktok ng bundok.

           

“A— ano ang gagawin mo?” sigaw ni Aleph sa kanya ngunit hindi na niya ito binigyang pansin.  Napahugot siya ng hininga nang makita ang pag-iwas ng dalaga sa nakasalubong nitong sasakyan.  Sumadsad ang minamaneho nito sa gilid ng kalsadang patungo sa linang.  Tinutumbok noon ang mga nagtatayugang puno at kung hindi ito hihinto ay mapipilitang gumilid ito patungo sa matarik na bangin.

           

Iniladlad niya ang mga pakpak sa labis na pagkagulat ni Aleph.

           

“Gamaliel, huwag!”  Pagpigil nito sa kanya ngunit tuluyan na  siyang tumalon patungo sa Lagusan.

           

Paalam, Aleph, bulong niya sa sarili.  Tama ka, umiibig ako ng labis sa dalagang Mortal.  Hindi ko siya hahayaang mamatay dahil ngayon pa lamang niya nararanasan ang maraming pagbabago sa buhay niya…

           

“Patawarin Ninyo ako, Bathala,” mahinang dasal niya. “Natitiyak ko ang mangyayari sa akin sa paglabag kong ito ngunit nakahanda na ako…”   

           

Sa isang iglap, kasabay ng nakabubulag na liwanag ay naroon na siya sa Lupa, sa mismong kinaroroonan ng dalaga.  Isinanggalang niya ang katawan at pakpak laban sa sasakyan at sa lakas ng paghampas nito sa kanya ay napunta sa katawan niya ang mga nagkapira-pirasong salamin ng harapan nito.

           

Itinulak niya ang sasakyan na kulang na lang ay mahati sa gitna.  Mabilis niyang dinaluhan ang dalaga at dinala ito sa mga bisig niya.

           

“Pakiusap, gumising ka!”  Hinawi niya ang mahaba nitong buhok na kumalat sa mukha nito at pinahid ang dugo sa noo nito.  “Hindi ka maaaring mamatay!”

           

Bahagya nitong iminulat ang mga mata kasabay ng mahinang pag-ungol.

           

Hinaplos niya ang pisngi nito na basa pa rin ng luha.  “Narito na ako.  Ligtas ka na…”

 

Ilang beses itong kumurap at pagkatapos ay ngumiti.  Unti-unting umangat ang duguang kamay nito sa mukha niya.  “T— thank… you,” mahinang usal nito bago ito panawan ng malay.

           

Dahan-dahan niyang binuhat ito.  Nakakailang hakbang pa lamang siya ay kinailangan niyang huminto dahil sa bigla niyang naramdaman.

           

Nang tumungo siya ay nakita niya ang nakabaong malaking piraso ng salamin sa tagiliran niya.  Maingat niyang tinanggal ito at napauklo siya at halos mapasigaw sa sobrang sakit.

           

“D— dugo…” bulalas niya nang damhin ng nanginginig niyang kamay ang sugat.  Maging ang hita niya at binti niya ay may mga sugat din.

 

Nasaktan siya.  May dugong dumaloy mula sa katawan niya.  Naglahong bigla ang mga pakpak niya…

 

Sinubukan niya uling tumayo na buhat pa rin ang dalaga.  Hindi iyon ang oras para intindihin niya ang sarili.  Naririnig na niya ang pagdating ng mga taong tutulong rito kaya binilisan niya ang paglalakad.  Ngunit unti-unting pinapanawan ng lakas ang mga tuhod niya.  Nagsimulang dumilim ang buong paligid at kahit anong pigil niya ay tuluyan nang pumikit ang kanyang mga mata.

 

~oOo~

A/N:  My loves!~  It’s been a lifetime!  :D  Sorry po kung hindi ko pa rin ma-update ang aking BTSS… I’m still putting together the scattered pieces.  But since it’s my heroine’s birthday, I hope you don’t mind if I came up with something new…😉

Thank you again in advance and if  you find this to your liking and wish to copy/share/post this on your FB/ blog, just don’t forget to leave credit where it’s due.  🙂

Til next!

~JK  ♥

8 thoughts on “IRIS — Prologue

  1. thank you..mukang interesting dn itong new story mo ms writer..anyweiz my God continue to pour u blessings and inspirations para macontinue mu ung pagsusulat mo..thank u and i hope macontinue dn ung beyond series..tnxmuch..

  2. Hi. Thank you so much for sending me your latest. I love it. Keep on writing and please update your BTSS. You’re one of a kind just like our Princess. God Bless.

    ________________________________

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s